Sinabi ng mag-asawang SPO2 Rodolfo Suba ng Manila Police District-Station 11 at Almira, mga magulang ng nasawing si Rachelle Suba, na hindi maibabalik ng anumang halaga na alok ng Star City ang buhay ng kanilang anak.
Nasawi dulot ng mga sugat sa baba at leeg, pagkabali ng tadyang ang batang Suba na 1st year high school student sa Arellano High School sa Maynila at residente ng 1021 Dagupan St., Tondo matapos na malaglag buhat sa tuktok ng mahigit sa 30 talampakang taas ng Wild River Ride noong Linggo ng gabi.
Ayon sa kaibigan nitong si Shennies Manuel, nahulog ang kanyang kaibigan makaraang mahilo ito at biglang tumayo sa kinauupuan.
Nararapat umanong panagutan sa batas ng mga taong may kinalaman sa trahedya ang pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak na babae.
Nalulungkot din umano ang mag-asawang Suba dahil ngayon lang nagsagawa ng inspeksyon sa naturang ride gayong nangyari na ang aksidente.
Una nang inihayag ng pamunuan ng Star City na hindi depektibo ang kanilang ride at nasa maayos itong kondisyon. Handa rin nilang sagutin ang lahat ng pinansiyal na obligasyon sa naganap na insidente. (Danilo Garcia)