Itutumbang babaeng vendor nabuhay: ‘Salvage cop’, 1 pa timbog

Dinakip kahapon ng mga tauhan ng Manila Police District ang isa nilang kabaro matapos na iturong utak sa tangkang pagpaslang sa babaeng kolektor ng kanyang pautang na "5-6" na himalang nakaligtas matapos na itapon sa isang bangin sa Carmona, Cavite kamakalawa.

Kasalukuyang nakadetine ngayon sa MPD-Headquarters ang suspect na si PO2 Armando Gariando, 45, nakatalaga sa MPD-Station 11 (Binondo) at residente ng Olympia Village, San Pedro, Laguna. Nadakip din ang isa nitong kasabwat na si Filomeno Palaguit Jr., 48, driver, habang pinaghahanap pa ang isa nilang kasamahan.

Dinakip ang dalawa matapos na humingi ng tulong sa MPD ang biktimang si Milagros Borja, 48, tindera ng 1818 Diesel St., Palanan, Makati City na milagrong nabuhay sa kabila ng tinamong limang saksak sa katawan at panggugulpi sa kanya.

Ayon kay Borja, sakay siya ng isang pedicab nitong Linggo ng gabi nang harangin ng among si Gariando at dalawa pang lalaki sa may San Marcelino St., Paco. Isinakay umano siya sa isang kotse at tinanong kung nasaan ang live-in partner ni Gariando. Nang sabihin niyang hindi niya alam ay inumpisahan na siyang bugbugin at pagsasaksakin ng mga ito.

Nabatid na hiniwalayan umano ang pulis ng kanyang ka-live-in partner at si Borja ang pinagbintangan nitong dahilan. Hinala ng pulis ay kung anu-anong kuwento ang sinabi ni Borja sa ka-live-in kaya siya nito iniwan.

Huli niyang natandaan na itinapon siya ng mga suspect sa isang bangin matapos ang mahabang biyahe. Himalang nabuhay ang biktima at nagawang marinig ang paghingi niya ng saklolo ng ilang mga bata na naglalaro malapit sa pinagtapunan sa kanya.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima kung saan nalapatan ito ng lunas. Dito na ipinagtapat nito sa mga awtoridad ang sinapit sa kamay ng mga suspect kaya nakipag-ugnayan ang lokal na pulisya ng Cavite sa MPD na siyang nagsagawa ng operasyon sa mga suspect.

Nadakip si Gariando sa loob ng kanyang bahay sa San Pedro, Laguna. Nahaharap ang mga suspect sa kasong abduction at attempted murder.

Show comments