5 pumuga sa Bilibid

Pumuga ang limang bilanggo buhat sa medium security compound ng New Bilibid Prison (NBP) kung saan sinaksak pa ng mga ito ang driver ng ambulansiya ng ospital ng bilangguan na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.

Kaugnay nito, mariing inatasan ni Bureau of Corrections Director Vicente Vinarao ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng isang manhunt operation laban sa mga puganteng nakilalang sina Raul Guimba; Alex Panida; Jojo Punzalan; Willian Osocho at Arvic Valentino.

Base sa rekord ng BuCor, ang mga nabanggit na bilanggo ay may hatol na 20-taon pagkabilanggo, gayunman hindi nabanggit kung ano ang kaso ng mga ito.

Kaugnay nito, nasa kritikal na kondisyon naman ang driver ng ambulansiya ng piitan na si Cresencio Mendoza sanhi ng tinamong saksak sa dibdib buhat sa mga pumugang preso.

Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagpuga dakong alas-7 ng gabi sa loob ng naturang piitan. Ayon sa ulat, pabalik na sa medium security ang may sampung bilanggo buhat sa pagpapa-check-up sa NBP Hospital nang biglang agawin ng mga ito ang baril ng isa sa prison guard na nakatalaga ng oras na iyon.

Kasunod nito ay sinaksak pa ng isa sa mga ito ang driver ng ambulansiya at saka mabilis na nagsipuga.

Sa sampung presong lulan sa ambulansiya, lima lamang ang tumakas.

Pinagpapaliwanag naman ni Vinarao ang mga nakatalagang prison guard tungkol sa kung paano nakapuga ang mga bilanggo.

Sa ngayon ay patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments