Isang "closed door meeting" ang isinagawa sa opisina ni Mantaring kasama ang mga opisyales ng NBI kabilang na si Arugay. Nang lumabas sa opisina, idineklara ng dalawa na tapos na ang sigalot sa pagitan nila.
Nabatid naman na nagsampa na ng mosyon si Arugay sa NBI Investigator Mutual Benefit Association upang bawiin ang resolusyon ng "withdrawal of support" kay Mantaring. Bahala na umano ang kanilang board kung aaprubahan ito o mananatili ang kanilang desisyon na huwag nang suportahan si Mantaring.
Sa kabila nito, hindi naman ibinalik si Arugay sa dati nitong puwesto bilang hepe ng Intelligence Service ng NBI at nanatili sa bago niyang puwesto sa Comptrollership Division ng ahensiya.
Isang insider naman sa NBI ang nagbulgar na patuloy pa rin ang tensyon sa pagitan ni Mantaring at mga miyembro ng Batch 23 ng NBI na kinabibilangan ni Arugay.
Ayon sa source, nag-ugat ang reklamo laban kay Mantaring matapos na ibahin nito ang dating sistema patungkol sa ilegal na sugal at mga bisyo sa Metro Manila.
Nadagdagan pa ito matapos na iendorso umano ng Batch 23 ng NBI sa Malacañang si Quezon City Judge Ralph Lee, dati ring ahente ng ahensya bilang permanenteng direktor. Pinadalhan naman ng kopya ng endorsement letter si Mantaring na nagresulta sa pagpapalit kay Arugay sa puwesto. (Danilo Garcia)