Isang saksak ng patalim sa dibdib ang naging sanhi ng kamatayan ng isang sekyu ng ABS-CBN buhat sa hindi pa nakikilalang suspect na humarang sa kanya, kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Nakilala ang nasawi na si Roman Asico, ng Project 8, Quezon City. Huli itong nakita ng mga saksi ganap na alas-8 ng gabi na nakikipagtalo sa isang lalaki sa kanto ng EDSA at North Avenue sa nabanggit na lungsod. Bigla umanong bumunot ng patalim ang suspect at saka inundayan ng saksak ang biktima at saka mabilis na tumakas. Napag-alaman na ang biktima ay natagpuan sa tabi ng kanyang motorsiklo na noon nakabukas pa. Hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa isinagawang pagpaslang, habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.
(Angie dela Cruz) Barker huli sa pagpatay at panghoholdap Isang barker ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya matapos nitong patayin ang kapwa niya barker at pagkatapos ay nangholdap pa ng isang taxi driver , kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Nakapiit sa kasong murder at robbery hold-up ang suspect na si Joel Edellor, 25, ng Dasmariñas, Cavite. Nakilala naman ang naging biktima nito na isang alyas Menang, 35, na hindi na umabot ng buhay makaraang isugod sa San Juan de Dios Hospital. Ang biktima naman ng panghoholdap ay ang taxi driver na si Norberto Elumbra, 45, ng Balete St., Las Piñas City. Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa service road ng Roxas Boulevard sa Pasay City nang pagsasaksakin ng naturang suspect ang kasamahan nitong barker na si Menang matapos silang mag-agawan sa pasahero. Papatakas na ang suspect at sumakay ito sa taxi ni Elumbra na kanya pang hinoldap. Naging alerto naman ang taxi driver na pagdating sa Heritage Hotel ay kumaripas ito ng takbo at agad na humingi ng tulong sa mga pulis na naroon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspect.
(Lordeth Bonilla) Gunman ng pinatay na Tsinay, arestado |
Itinuturing na naresolba na ang kaso sa pagpatay sa isang 22-anyos na negosyanteng Tsinay matapos na positibong makilala na ang gunman nito buhat sa limang lalaking dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo, Maynila. Positibong itinuro ng isang pinangalanang saksi ang gunman na si Hassanor Maruhon, 25, binata, tindero at residente ng Globo de Oro St., Quaipo. Ito umano ang bumaril nang malapitan noong Hunyo 20 sa biktimang si Tan Beng habang nagbabantay ito sa kanyang Twillight Electronic Store sa Quezon Boulevard sa Quiapo. Kasama ni Maruhon na nadakip ang kanyang mga kasamahan na sina Banny Dagandan, 20; Jahalmen Manyag, 20; Ader Monte, 21 at Sainiden Mohammed Ali, 25. Ang naturang grupo umano ang responsable sa panghoholdap sa mga Tsinoy karamihan ay babaeng negosyante sa Quiapo. Binanggit pa ng pulisya na nahirapan silang hanapin ang kanilang saksi upang kilalanin si Maruhon dahil sa takot nito na sila naman ang balikan at patayin ng grupo. (Danilo Garcia)