Iniharap sa mediamen ni PNP-CIDG Deputy Director Chief Supt. Pedro Tangco ang nasakoteng dayuhang suspect na kinilalang si Mohammad Panahandeh, 46, at residente ng Las Casas, Daang Batang St., Moonwalk, Parañaque City.
Ayon kay Tangco, ang suspect ay gumagamit ng mga alyas na Syros Borzo, Arie Kaklonolee Panahandeh sa illegal nitong operasyon.
Nabatid na bandang alas-4:45 ng hapon kamakalawa nang masakote ang suspect matapos gumamit ng pekeng Citibank Visa Card sa mga pinamili nitong grocery na nagkakahalaga ng P6,652.22 sa Shopwise supermarket sa Araneta Center, Cubao, Quezon City.
Sinabi ng opisyal na ang suspect ay matagal na nilang isinasailalim sa masusing surveillance operation hinggil sa natanggap nilang impormasyon sa illegal nitong aktibidad.
Hindi na nakapalag si Panahandeh matapos dakpin ng mga operatiba ng PNP-CIDG. Nakuha rin sa pag-iingat nito ang isa pang pekeng Master card, Guam drivers license, pawang nakapangalan sa alyas nitong Syros Borzo habang gumamit naman ito ng alyas na Arie Kaklonolee sa pekeng Citibank Visa card sa pamimili sa Shopwise.
Sa isinagawang beripikasyon, kinumpirma naman ng isang kinatawan ng Credit Card Association of the Philippines na pawang peke ang mga nasamsam na credit card mula sa pag-iingat ng manggagantsong Iranian.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Access Devices Regulation Act at Article 178 ng Revised Penal Code ang nasakoteng suspect. (Joy Cantos)