Bebot binoga sa mukha

Hinihinalang napag-initan ng sindikato sa droga ang isang 24-anyos na dalagang Muslim makaraang barilin ito sa mukha ng isang hindi nakikilalang lalaki sa Quiapo, Maynila kahapon ng tanghali.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pang inoobserbahan at nasa kritikal na kondisyon sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Norbai Magumpara, ng 24-Basan St. Islamic Center, Quiapo sanhi ng isang tama ng bala ng baril sa pisngi na naglagos sa batok.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa nag-iisang gunman na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Batay sa ulat ng Manila Police District- Sta. Cruz Police Station 3, dakong alas- 12:45 ng tanghali nang malapitang barilin sa mukha ang biktima sa nasabing lugar.

Hindi pa matiyak kung ano ang motibo sa pamamaril dahil ni isa ay walang gustong tumestigo sa insidente.

Gayunman, sinisiyasat ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa droga ang pagkapaslang dito. (Danilo Garcia)

Show comments