Namatay noon din ang mga biktimang sina Olivia Costa, 47, American pensioner at Antonio Galvan, 39, matapos na pagbabarilin ng suspect na nakilalang si Fernando Dizon, 40.
Ayon kay Supt. Julius Cesar Abanes, naganap ang insidente dakong alas-12 ng tanghali sa loob ng Lady Garette Salon na nasa Blk. 1, Lot 36 Sugartown Subdivision Filinvest II Batasan Hills, Quezon City.
Ayon sa ulat, nagpapa-pedicure umano ang mag-lover na sina Galvan at Costa nang biglang dumating si Dizon at walang sabi-sabing binaril ang una sa ulo. Mabilis na tumakbo si Costa subalit hinabol ito ng suspect. Sa labas ng parlor binaril ni Dizon ang biyuda.
Sa salaysay ni Garette, hairdresser sa naturang parlor na regular nilang kostumer sina Costa at Galvan subalit wala silang alam na kaaway ang mga ito.
Matapos ang pamamaril agad na nakahingi ng responde sa pulisya ang mga residente. Nang dumating ang mga pulis ay inabutan pa nila doon si Dizon na pinakiusapang sumuko.
Gayunman, hindi ito nakinig sa mga pulis at ang ginawa ay pumasok sa parlor at nagtungo sa banyo at nagkulong.
Ilang sandali pa ay isang putok ng baril ang narinig ng mga pulis na inakala nilang sila ang pinaputukan ng suspect kung kayat gumanti rin ng pagpapaputok ang mga pulis.
Nang mabuksan ang pinto ay doon nakita ng mga awtoridad ang tama ng bala ng baril ng suspect sa kanyang sentido, palatandaan na nagbaril ito sa sarili bago pa naratrat ng mga awtoridad.
Ayon naman sa ilang kamag-anak ni Costa, nagkaroon ng relasyon ang babae sa suspect na si Dizon hanggang sa humantong sa paghihiwalay. Bunga nito dinukot ng suspect si Costa na nasagip naman ng mga pulis sa Cuyapo, Nueva Ecija noong Disyembre 2005.
Sinampahan ni Costa ng kasong kidnapping si Dizon sa QCRTC.
Nabatid pa na nalaman din ni Dizon na may relasyon ang dating ka-live-in kay Galvan at ito ang hindi niya matanggap.
Patuloy naman ang isinasagawa pang imbestigasyon sa kaso. (Doris Franche)