Utol sinaksak ni kuya

Sugatan ang isang 35-anyos na lalaki matapos na ito ay saksakin ng nakatatandang kapatid makaraang magtalo ang dalawa kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Marikina.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktimang kinilalang si Aniceto Fernandez, residente ng Fernandez Compd. Champaca II, Brgy. Fortune, ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong saksak sa tiyan.

Samantala, agad namang nakatakas ang kapatid nito na kinilalang si Ramon Fernandez, 40, matapos ang insidente.

Batay sa ulat ni PO2 Bueneres Cruz, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga ito.

Napag-alaman na nagtalo ang magkapatid sa hindi batid na kadahilanan na nauwi sa pagsaksak ng suspect sa biktima. Mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang biktima habang mabilis na tumakas ang suspect. (Edwin Balasa)

Show comments