Alas-8:30 ng umaga kahapon nang magsidatingan ang tinatayang 400 na truck sa Manila North Tollways Corp. (MNTC) at nagsagawa ng rally upang ihayag ang kanilang mariing pagkondena sa umanoy hindi makatarungang panghuhuli at hindi pagpapadaan sa mga truck sa naturang highway.
Nabatid kay Ricky Papa, presidente ng ACTOO na hindi sila titigil sa pagsasagawa ng rally sa NLEX hanggat hindi pinapayagan ang kanilang mga truck na dumaan sa nasabing highway at hanggat hindi itinitigil ng mga kagawad ng Land Transportation Office (LTO) ang panghuhuli sa kanilang truck.
"Hindi naman kami maaaring dumaan sa Tullahan bridge sa MacArthur Highway, Malinta bridge, Marilao bridge at sa tulay ng Calumpit dahil baka bumigay ang nasabing mga tulay at tanging ang NLEX lamang ang pinakaligtas at mabilis na daanan," pahayag pa ni Papa.
Sinabi pa ng mga truck driver at operator na nararapat din umanong ipatupad ng maayos ang overloading law at sa mga pantalan umpisahan ang pagpapatupad ng maayos at tamang timbang ng mga kargamento ng truck upang maiwasan ang paglabag sa nasabing batas. (Rose Tamayo)