2 dedo sa road accident

Dalawa katao ang iniulat na nasawi sa aksidente sa lansangan sanhi ng madulas na daan dahil sa walang humpay na pag-ulan, sa magkahiwalay na insidente sa EDSA, Quezon City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Ismael Tupal, 50 at Filomeno Bantog, 51.

Sa ulat ng pulisya papatawid si Tupal dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi sa tapat ng Philippine Women’s University nang hindi nito napansin ang paparating na Pascual Liner na patungong Makati.

Nabatid na tumilapon ang biktima matapos na mabangga habang mabilis namang tumakas ang driver ng bus.

Samantala, sa isa pang insidente sakay naman ng kanyang scooter ang biktimang si Bantog nang dumulas ang gulong nito at sumalpok sa Five Star Bus na minamaneho ni Leonardo Estrimos.

Ayon sa ulat, dakong alas-10:20 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng Shell Gasoline Station sa Sct. Borromeo St. sa Quezon City at sumampa ang scooter ni Bantog sa concrete barrier na halos ikaputol ng kaliwang hita nito.

Nasawi si Bantog habang ginagamot sa East Avenue Medical Center. (Doris Franche)

Show comments