Nagtalaga si MMDA General Manager Robert C. Nacianceno ng grupo para magbigay ng tulong sa mga traffic enforcer na dadakpin sakaling ipursige ng Makati Police ang direktiba ng Makati City government.
Minaliit ng MMDA ang mga banta ni Makati Mayor Jejomar Binay na pag-aresto sa mga traffic enforcers ng ahensiya sa kanilang hurisdiksiyon sakaling mahuling nag-iisyu ng Traffic Violation Receipts (TVR) sa mga traffic violators.
Walang plano si MMDA Chairman Bayani F. Fernando na i-pull out sa kanilang puwesto ang mga nakatalagang traffic enforcer ng MMDA sa financial district ng bansa sa kabila ng banta ni Binay na dakpin at ikulong ang mga ito dala ng paglabag sa batas.
Sinabi ng MMDA chief, maaaring kasuhan si Binay ng abuse of discretion and violations of RA 6713 or norms of conduct of public officials kapag itinuloy ang pag-aresto ng mga MMDA traffic enforcers.
Iginiit ni Fernando na malinaw na nakapaloob sa functions ng MMDA ang pagpapatupad ng maayos na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Fernando, mananagot ang mga enforcers na aalis sa kanyang puwesto dahil kakasuhan sila ng abandonment of post. (Lordeth Bonilla)