Kinilala ang mga nasawi na sina Luisito Lagunilla, 62, dahil sa tinamong tama sa tiyan at Cristine Joy Panlican, 5, nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo, habang nasa kritikal namang kondisyon sa San Juan de Dios Hospital si Victor Acenas, 56, pawang residente ng 92 Antipolo St., ng lungsod na ito.
Samantala, bugbog muna ang inabot sa taumbayan bago ibinigay sa rumespondeng pulisya ang suspect na si PO1 Joy Dacena, nakatalaga sa Pasig police at kapitbahay ng mga biktima.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-5:10 ng hapon sa kahabaan ng Antipolo St. kung saan bigla na lang nagpaputok ng kanyang 9mm na baril ang suspect sakay ng isang taxi na inagaw nito sa isang Vicente Mawi kung saan tinamaan ang tatlong biktima.
Napag-alaman pa sa imbestigasyon na noong Oktubre 29, 2005 ay pinagbabaril at napatay din ni Dacena si Emedilene Moreno, 36, sa loob mismo ng CID detention cell ng Pasay police dahil pinatay nito sa saksak ang asawa nitong si Lilibeth, 29, dahil sa mabahong kanal sa kanilang lugar.
Napiit si Dacena at sinampahan ng kasong murder subalit napawalang-sala ng korte at inilagay sa National Center for Mental Health matapos na mapatunayang nasira ang ulo dahil sa pagkamatay ng asawa.
Nang bumalik ang katinuan ng suspect ay muli itong nakabalik sa serbisyo. Kasalukuyang nakapiit ngayon ang suspect sa Pasay police detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Edwin Balasa)