Apat sa siyam na suspect ang agad na naaresto ng mga awtoridad.
Patay na nang idating sa Makati Medical Center ang pulis na si PO3 Avelino Santos, nakatalaga sa Mobile Group ng Makati City Police Station sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.
Ginagamot naman sa nabanggit ding pagamutan si Rustico Garcia, ng Makati Public Safety Assistance (MAPSA) sanhi ng tinamong tama sa katawan.
Samantala, nakilala ang apat na nadakip na suspect na sina Felix Ponting, 24, construction worker; Allan Capuno, 28; Richie Sevilla, 28 at Roselyn Recablanca, 24.
Isang manhunt operation pa ang inilunsad ng pulisya sa lima pang nakatakas na suspect.
Sa ulat na tinanggap ni Makati City chief of police, Sr. Supt. Marieto Valerio, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa panulukan ng Pasong Tamo at J.P. Rizal Sts., sa nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na nagpapatrulya noon si PO3 Santos, kasama sina Garcia at isa pang pulis na nakilalang si Sgt. Infante sakay ng isang mobile patrol ng mamataan nila ang isang kulay green na Hyundai Grace na may plakang PYZ-126.
Hinabol ito ng mga pulis at sinita dahil sa traffic violation.
Nang inspeksiyunin ng mga awtoridad ang sasakyan ay agad na bumunot ng baril ang isa sa mga suspect at pinaputukan ang mga biktima.
May hinala ang pulisya na may balak na mangholdap ang mga suspect at naunsiyami ito nang masita ng mga pulis.
Matapos ang pamamaril ay nagkanya-kanya ng takas ang mga suspect at ang apat dito ay agad na nadakip ng mga awtoridad.
Nasamsam sa mga nadakip ang limang piraso ng cal .38 at isang granada. Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga nadakip. (Lordeth Bonilla)