Abogada huli sa kotong

Hindi nakapalag sa mga umarestong pulis ang isang abogadang nagpakilalang konektado sa isang mahistrado ng Korte Suprema at nagtangkang mangotong sa isang casino financier sa Manila Pavillon Hotel sa Ermita, Maynila, kamakalawa.

Dinakip ng mga kagawad ng Manila Police District Task Force Manhunt sa pamumuno ni Chief Inspector Alejandro Yanquiling si Atty. Loreta Sunico, 33, ng P-19 1st St., Villamor Airbase, Pasay City na inireklamo ng robbery extortion ng biktimang si Ronaldo Quino, 30, casino financier at naninirahan sa BF Homes sa Las Piñas.

Batay sa reklamo ni Quino, pinagbabantaan siya ng abogada na ipadadakip dahil sa kasong paglabag sa anti-fencing law.

Upang hindi aniya matuloy ang pagdakip kay Quino dapat na lamang magbigay ito ng halagang P10,000 bilang kapalit ng pagbawi sa warrant of arrest na sinasabi rin ng abogada na ipinarating na sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Manila police.

Nangako pa aniya ang suspect na kung ibibigay ng biktima ang nabanggit na halaga ay maaari umano niyang (suspect) ipabawi ang warrant dahil na rin sa koneksyon nito sa isang associate justice ng Mataas na Hukuman.

Gayunman, agad na humingi ng tulong ang biktima sa Maynila police kung saan inihanda ang isang entrapment operation na nagresulta sa pagkaaresto sa suspect.

Itinanggi naman ng suspect ang reklamo sa kanya. (Ellen Fernando)

Show comments