Patay na nang isugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Nick Dinglasan, 23, habang hindi na rin umabot sa UST Hospital ang babaeng biktima na nakilala lamang sa alyas na Cory.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Our Lady of Perpetual Help Hospital ang driver ng Nissan Urban Escapade van na si Elmer Bagnes na nasugatan sa banggaan, habang tumakas naman ang nakabanggaan nitong driver ng puting Toyota taxi na may plakang TWV-236 na si Ricardo Taludung.
Sa inisyal na ulat ng Manila Traffic Bureau, naganap ang aksidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa panulukan ng España at Vicente Cruz St. sa Sampaloc, Maynila.
Nabatid na parehong mabilis ang pagpapatakbo ng dalawang sasakyan at parehong hindi nagmenor nang dumating sa may stop light sa naturang panulukan sanhi upang magkasalpukan ang mga ito.
Tiyempo namang patawid ang dalawang biktima nang mahagip ng isa sa mga sasakyan sanhi nang kanilang pagtilapon sa center island ng España. Kapwa nabagok ang ulo ng mga ito.
Nasugatan naman si Bagnes nang tumama ang ulo nito sa salamin ng minamaneho niyang van.
Nabatid pa ng mga imbestigador na nasa impluwensiya ng alak si Bagnes nang maganap ang insidente.
Patuloy namang pinaghahanap si Taludung. Sinabi ng pulisya na posibleng kapwa sampahan ng kasong double reckless imprudence resulting to homicide ang dalawang driver. (Danilo Garcia)