Base sa ilalim ng Comprehensive Land Use Plan and Zoning Ordinance of 2005, tuluyan nang palalayasin ang Caltex, Petron at Shell sa kinalalagyan nitong oil depot sa Pandacan para magamit na ang kinatitirikang lupain ng lokal na pamahalaan.
Ikinatwiran ni Manila 6th District Councilor Bonjay Isip-Garcia na siyang nagsulong ng ordinansa na kailangan nang alisin ang oil depot dahil sa banta ito sa seguridad ng Lungsod.
Bukod dito, hindi naging tapat ang oil depot company na magsagawa ng pagbabaklas ng may 28 oil bunker na nakasaad sa Memorandum of Understanding (MOU) noong 2003.
Ang naturang ordinansa ni Councilor Garcia ay nasa ikatlo at pinal na pagbasa na sa City Council. Sinuportahan naman ito ng karamihan sa mga konsehal ng Lungsod sa paniwalang nanatili pa rin ang banta sa seguridad sa oil depot mula sa mga terorista.
Kaugnay nito, nagbanta ang Big Three" na maaring makaapekto sa presyo ng langis sa pamilihan kapag tuluyan na silang mapaalis sa Pandacan. (Gemma Amargo Garcia)