Iniharap ni NCRPO chief Director Vidal Querol sa mediamen ang mga inarestong suspect na sina Hadji Racma, 30 at Datu Raiz Cadir, 37, ng Visayas St., Signal Village.
Ayon kay Querol, dakong alas-2:20 ng madaling-araw ng masakote ang mga suspect sa loob ng tanggapan ng RAID-SOTF matapos na aregluhin ng P300,000 ang kaso kapalit ng pagpapalaya sa apat na Muslim na hinihinalang mga bigtime drug pushers na nauna nang nadakip ng mga awtoridad.
Binanggit pa nito na personal na naghatag sina Racma at Cadir ng nasabing halaga sa nakatalagang duty investigator ng RAID-SOTF upang ibigay kay Supt. Jerry Valeroso na siyang hepe sa task force ang pera.
Nang iparating sa opisyal ang alok na salapi ng dalawa ay mabilis na inutos ni Valeroso ang pagdakip sa mga ito.
Nabatid na tinangkang bilhin nina Racma at Cadir ang kaso ng mga hinihinalang ‘tulak’ na sina Jessie Macalnas, 23; Taya Macalnas, 24; Althon Kumakon, 22 at Ebrahim Ambaigan, 43, pawang residente ng Brgy. Malvar Norte, Rosario, Batangas na mga naunang naaresto ng RAID-SOTF sa kahabaan ng South Luzon Expressway sa Calamba City kamakailan.
Dahil dito, nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang sina Racma at Cadir at makakasama sa kulungan ng kanilang mga inaarbor. (Joy Cantos)