‘Amok’:1 huli

Naaresto ng mga security guard ng Carmel Development Incorporated (CDI) ang isa sa tatlong mga kalalakihang naaktuhang nanggugulo sa loob ng Pangarap Village, Bo. Makatipo, Caloocan City.

Kasalukuyang nakakulong ngayon sa Camarin Police Station si Zaldy Manahe, 34, ng Gemini St. Pangarap Village habang dalawang kasamahan nito ang nakatakas matapos ang habulan.

Sa report ng mga guwardiya ng Araneta Properties, si Manahe ay naaresto matapos na harangan nito ng mga gulong ang kahabaan ng G. Araneta Ave. at Narra St. dakong alas-11:20 kamakalawa ng gabi.

Pinagbabato din nito at mga kasamahan ang security outpost kung saan tinamaan sa dibdib ang guwardiyang si Fortunato Vinluan.

Posible namang maharap sa kasong slight physical injury at alarm and scandal si Manahe. (Rose Tamayo)

Show comments