Nakilala ang mga nasawi na sina Andrew Luis Villa, 40, heavy equipment and spare parts dealer, ang asawa nitong si Joy Cam, anak na si Lang-Lang, 12; at ang katulong nila na kilala lamang sa tawag na Manang, 60, ng 111 12th Avenue corner 4th St., ng nasabing lungsod.
Ang mga biktima ay nagtamo ng maraming mga saksak sa katawan, habang ang katulong ay nilaslas pa ang leeg na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Sa paunang ulat ng pulisya, dakong alas-12:05 ng tanghali nang matuklasan ang naganap na krimen sa tahanan ng pamilya Villa.
Napag-alaman na tanghali na ay hindi pa nakakapagbukas ng tindahan si Villa na nasa 5th Avenue kayat pinuntahan ito sa bahay ng isa sa kanyang mga tauhan para kunin ang susi.
Nabatid na matagal na kumatok sa bahay ang tauhan na hindi binanggit ang pangalan subalit walang nagbubukas dito ng pinto. Dahil dito, napilitan itong umakyat ng bakod kung saan doon na nito natuklasan ang naganap na krimen.
Ayon naman sa mga kapitbahay ng mga biktima, kamakalawa ng gabi ay narinig nila ang malakas na sound ng TV sa bahay ng pamilya Villa, gayunman wala naman silang narinig na anumang kakaibang pangyayari.
Kinabukasan malakas pa rin umano ang sound ng TV subalit hindi na nila ito pinansin hanggang sa dumating na ang isang tauhan ni Villa na nakatuklas sa naganap na krimen.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na walang naganap na force entry at nagtataka rin ang mga ito dahil sa walang narinig na mga kahol ng aso, gayung maraming alagang aso ang mga ito kaya hinihinalang kakilala ng mga nasawi ang mga suspect.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang isang katulong ng mga biktima na nakilala lamang sa pangalang "Tyson" na nawala matapos ang insidente kung saan malaki ang paniniwala ng pulisya na malaki ang kinalaman sa nasabing krimen.
Kaugnay nito, nakatakdang magbigay ng halagang P50,000 si Caloocan City Mayor Enrico Echiverri sa makapagtuturo sa suspect at inatasan na rin nito ang hepe ng Caloocan City Police na si P/Sr. Supt. Leo Garra ng masusing imbestigasyon upang malutas ang nasabing krimen. (Ulat ni Rose Tamayo)