Maynila nagmistulang war zone

Nagmistulang "war zone" kahapon ang lungsod ng Maynila matapos na magdagsaan ang ilang tangke at trak ng mga sundalo dahil sa bantang malawakang kilos-protesta ng mga grupong laban sa pamahalaan at pag-atake ng mga teroristang Abu Sayyaf.

Dalawang APC tank at mga naka-full battle gear na miyembro ng Special Action Force (SAF) buhat sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig ang dumagsa sa Western Police Headquarters upang bigyan ng seguridad ang lungsod.

Bukod pa ito sa daan-daang miyembro ng Civil Disturbance Management Unit at "augmentation force" buhat sa PNP Region 3 na inatasang haharap sa mga raliyista na magtatangkang pumasok sa lungsod.

Kaugnay nito, hinarang din ng pulisya ang 50 jeep na puno ng mga miyembro ng Kilusan para sa Pambansang Demokratiko (KPD) nang makapasok ito sa may España Avenue sa tapat ng University of Santo Tomas patungo sana ng Morayta upang magsagawa ng demonstrasyon.

Inaresto rin naman ng WPD-Station 11 ang lider ng KPD na si Jess del Prado kasama ang ilang militante na patungo sana ng Makati City upang makilahok sa rali laban sa pamahalaan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments