Chinese trader patay sa ambush, 1 kritikal

Agad na nasawi ang isang 36-anyos na Chinese trader, habang kritikal naman sa pagamutan ang nakatatandang kapatid nito nang tambangan ng tatlong hindi nakikilalang kalalakihan na hinihinalang mga "hired killers", kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa likuran ang biktimang si Shirman Choa, may-ari ng Century Glass Center at pansamantalang nanunuluyan sa 1808 La Granda Mansion, Sabino Padilla, Sta. Cruz, Maynila.

Inoobserbahan naman sa Chinese General Hospital sanhi ng tinamong tama sa katawan at kamay ang nakakatandang kapatid nito na si Shirluang Choa, 44.

Batay sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Cabral Compound, Industrial Mulawinan, Brgy. Lawang Bato ng nasabing lungsod.

Nabatid na galing ang magkapatid sa Century Glass Center sa nabanggit na lugar sakay ng kanilang Toyota Camry na may plakang XPJ-889 nang bigla na lamang silang parahin ng tatlong armadong kalalakihan.

Hindi naman nasiraan ng loob ang nakatatandang Choa at agad na pinasibad ang minamanehong sasakyan subalit pinaputukan na ito ng mga suspect.

Matapos ang insidente ay parang walang anuman na naglakad papalayo ang mga suspect habang mabilis naman na dinala sa nasabing pagamutan si Shirluang.

Kasalukuyang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin ang motibo sa pagpaslang. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments