Opisyal ng Marine, sabit sa pagpaslang sa TV director

Ipatatawag ng NBI ang isang opisyal ng Philippine Marine upang magbigay ng paliwanag matapos na makumpirma na siya ang may-ari ng baril na ginamit sa pamamaslang sa ABS-CBN director na si Luigi Santiago.

Sinabi ni NBI-NCR chief Atty. Edmund Arugay na isasailalim nila sa imbestigasyon si Major Robert Velasco na siyang lumalabas na may-ari ng kalibre .9mm na baril na ginamit ng suspect na si Oliver Jamiero sa pamamaril.

Posible umanong makasuhan rin si Velasco kapag napatunayan na nagkaroon ito ng pagkukulang o kinunsinte ang pagpapahiram ng kanyang baril sa ibang tao.

Lumalabas na ang kasintahan ni Jamiero na si Charito Angeles na dati ring kasintahan ni Velasco ang may dala ng naturang baril at ibinigay sa suspect nang magkaroon ng kaguluhan sa harap ng isang bar noong Hunyo 8 sa Rizal Drive, Ayala Center sa Makati City.

Samantala, sinampahan na ng NBI si Jamiero ng kasong homicide sa DoJ at inihahanda na rin ang kasong illegal possession of firearms laban din dito.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Jameiro na ipinagtanggol lamang niya ang sarili nang makaaway ng kanilang grupo ang isang grupo rin ng kostumer. Napagtulungan umano siya ng ilang kalalakihan at nang makahulagpos ay gumapang sa ilalim ng isang kotse. Nang siya ay sundan ng mga nakalaban, dito na umano iniabot sa kanya ni Angeles ang baril at pinaputok nito kung saan doon tinamaan ang biktimang si Santiago. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments