Kinilala ni P/Sr. Supt. Leo Garra, hepe ng Caloocan City police, ang biktima na si Ben Obulencia, residente ng #162 Talaba St., Bacoor, Cavite, na hindi na nagawang isugod sa pagamutan dahil sa overdose sa gamot.
Sa nakalap na impormasyon kay Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng Station Investigation Division Management Bureau (SIDMB), dakong alas-7 kahapon ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng Aliw Inn Motel sa Bagong Barrio, EDSA, Caloocan City.
Ayon sa salaysay ni Emmanuel Manalastas, roomboy ng nasabing motel, nakatakda sana nitong gisingin ang biktima dahil lumagpas na umano sa oras na kanyang binayarang pananatili ang huli kung saan nang kanya itong katukin ay hindi siya sinasagot.
Dahil dito ay agad siyang humingi ng tulong sa security guard upang mabuksan ang pinto kung saan bumungad sa kanila ang wala nang buhay na biktima na nakahandusay sa kama.
Sa isinagawang ocular inspection ng NPDO-SOCO, nakarekober ang mga ito ng isang tape recorder na naglalaman ng mensahe para kay Kim na asawa ng biktima. "Im sorry sana makahanap ka ng lalaking hindi katulad ko. Sana mabuo muli ang pamilya natin. Sana huwag mong saktan ang mga bata gaya ng pananakit ko sa iyo."
Nakita rin sa tabi ng biktima ang nagkalat na 30 piraso ng Dormicon at Valium 5 na siyang ginamit ng biktima upang wakasan ang kanyang buhay.
Sa isinagawa pang imbestigasyon, napag-alaman na mag-isang nag-check-in sa naturang motel ang biktima dakong alas-8:35 kamakalawa ng gabi kung saan umorder pa ito ng makakain. Hanggang sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kung may foul play na naganap dito. (Ulat ni Rose Tamayo)