Patay na nang idating sa Ospital ng Makati ang biktimang si Rommel Villareal, alyas Bongsky, ng Brgy. Western Bicutan, Taguig City sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspect matapos ang isinagawang pamamaslang.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa ATTODA Terminal, Commando Bridge, C-5 Road, Palar Village, Taguig.
Ayon sa saksing si Loreto Mecio, 19, isang guwardiya, nakita niyang tumatakbo ang biktima at hinahabol ng suspect.
Nasaksihan din niya ang ginawang pamamaril ng suspect sa biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang huli. Hindi pa matiyak ng pulisya kung ano ang motibo sa isinagawang pagpaslang. (Ulat ni Lordeth Bonilla)