Sa isinasagawa pang imbestigasyon walang nakikita ang pulisya na forcible entry at visible fingerprints ng umanoy mga magnanakaw na pumasok sa bahay ni Ramos sa #5552 Boyle St., Palanan, Makati City noong Linggo ng madaling-araw.
Ayon kay SPD director Chief Superintendent Wilfredo Garcia, nabigo ang SOCO na makakuha ng fingerprints sa crime scene.
Ayon sa mga nakausap na testigo karamihan ay mga kapitbahay ng nasawi na wala silang napansin na mga suspicious na lalaki sa lugar kundi narinig lamang nila ang malakas na boses ng dalawang babae na nag-aaway.
Magugunitang kasama ni Alicia sa bahay ang kanyang kapatid na si Leticia, 61, na unang nagtungo sa pagamutan bago mag-report sa pulisya.
Sa pagamutan na pinuntahan nito nalaman ng security guard na si Paterno Anjao, na umanoy pinasok ang bahay nito ng mga armadong kalalakihan. Si Anjao na rin ang tumawag sa pulisya base sa kuwento ni Leticia.
Kabilang si Anjao sa apat sa sampung testigo ang sumailalim kahapon sa masusing interogasyon na posibleng maging susi para malutas ang kasong pagpatay kay Ramos. Mariing pinag-aaralan ng pulisya ang mga pahayag na ibinigay ni Robert Abelera, 27, delivery boy ng Mayet Yulo Merchandize na nagsabing narinig nito ang malakas na sigaw mula sa tinitirhan ng biktima sa pagitan ng alas- 4 hanggang alas- 5 ng umaga noong Abril 24. Makaraan ang sampung minuto ay muli niyang narinig ang isa pang sigaw mula sa itaas ng bahay.
Sa ngayon tumatanggi nang magbigay ng pahayag si Leticia at ayaw na ring makipag-koordinasyon sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. Hindi rin ito nagharap ng pormal na reklamo.
Kinunan din ng pahayag sina Danilo Borres at Mervin Ordiales na kapwa drivers na nakatalaga sa DFA. (Ulat nina Cecille Suerte Felipe at Lordeth Bonilla)