4 holdaper timbog

Arestado ang apat na holdaper nang tangkain ng mga ito na holdapin ang isang pampasaherong bus kahapon ng madaling araw sa Mandaluyong City.

Iniharap ni Supt. Erickson Velasquez, hepe ng Mandaluyong Police ang mga suspect na sina Leonil delos Santos, 20; Jepoy Dulay,19; Edward Lanoja, 20 at isang 17-anyos na binatilyo pawang mga residente ng Muntinlupa City.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa panulukan ng EDSA Crossing at Shaw Blvd. habang sakay ng Gasat Express ang mga suspect at magdeklara ng holdap.

Habang nililimas ng mga suspect ang pera at gamit ng mga pasahero, nagawang makatalon ng pasaherong si Anthony Mogol, 21 at nakahingi ng responde sa mga nagpapatrulyang pulis.

Nasakote ang apat at kakasuhan ng robbery/hold-up habang nakapiit sa Mandaluyong detention cell. (Edwin Balasa)

Show comments