Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Executive Director General Undersecretary Anselmo Avenido na dakong alas-11:45 ng gabi noong nakalipas na linggo nang salakayin ng magkasanib na elemento ng PDEA, PNP Anti-Illegal Drugs-Special Operations (PNP-AIDSOFT) at NCR-Criminal Investigation and Detection Group ang isang kuwarto sa isang hotel sa Malate.
Tumanggi muna si Avenido na tukuyin ang pangalan ng nasabing hotel habang patuloy ang kanilang pursuit operations sa sindikato ng droga na nagmamay-ari sa nasamsam na mga epektos.
Napag-alaman pa na isang Chinese national na kinilalang si Chen Lim Yong ang nakarehistro na siyang naka-billet sa nasabing kuwarto.
Nabatid na naamoy ng chief security officer sa hotel ang mabahong amoy na nagmumula sa kuwarto ni Yong at nang buksan nila kasama ang hotel administrator ay nakita nilang may niluluto sa isang malaking stainless na kaserola.
Nakita rin ang ilan pang crystalline substance na hinihinalang shabu at iba pang kemikal na ginagamit sa paggawa ng droga.
Nabatid na ang ketamine na nagkakahalaga ng $90 hanggang $95 bawat gramo ay isang uri ng sedative na ginagamit ng mga beterinaryo sa kanilang mga alagang hayop bilang tranquilizers na ngayon ay ginagamit na rin ng mga lulong sa illegal na droga sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)