Sa nakalap na impormasyon kay Sr. Inspector Edgardo Antonio, Navotas Fire Marshall na dakong alas-12:12 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang nagngangalang Rolando dela Cruz na matatagpuan sa Apugan corner V. Cruz Sts. sa Barangay Tangos ng nasabing bayan.
Mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa may 400 kabahayan. Hindi naman nagawa pang mailikas ng kaanak ng pinaglalamayang si Mabelito Borlongan ang kabaong nito kung kaya tuluyan na itong naabo.
Umabot sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog na naapula dakong alas-6:46 ng umaga.
Tinataya ring aabot sa 500 pamilya ang nawalan ng tahanan at aabot sa P15 milyon ang halaga ng natupok na mga ari-arian.
Sa paunang imbestigasyon ng mga arson investigator, lumalabas na isang grupo ng kabataan ang unang nakitang tumitira ng shabu malapit sa pinagmulan ng apoy.
Hinihinalang ang tumumbang kandilang ginagamit sa pagsa-shabu ang pinagmulan ng sunog.
Hinahanting naman ng pulisya ang mga kabataang sangkot sa pagtira ng shabu na pinagmulan ng sunog. (Ulat ni Rose Tamayo)