3 pang WPD cops sabit sa 'hulidap'

Isang opisyal ng WPD at dalawa pa nitong tauhan ang nasabit sa panibagong insidente ng ‘hulidap’ sa lungsod ng Maynila makaraang ireklamo ng isang negosyante na umano’y ilegal na hinuli at kinikilan ng pera.

Nagtungo kahapon sa WPD-General Assignment Section ang biktimang si Ronald Mahinay, 27, may-ari ng isang junkshop at inireklamo ng robbery extortion ang mga suspect na sina Inspector Romeo Salvador, SPO1 Florencio Villanueva at PO1 Erwin Salanio, pawang nakatalaga sa WPD-Station 6.

Sa reklamo ni Mahinay, nagtungo ang tatlong pulis sa kanyang junkshop, dakong ala-1 kamakalawa ng hapon kung saan inakusahan umano siya na bumibili ng nakaw na mga bakal na pag-aari umano ng isang kompanya ng softdrinks.

Nagpakilala pa umano si Villanueva na ahente ng naturang softdrink company na siyang nagrereklamo laban sa kanya. Agad umano siyang pinosasan at dinala sa WPD-Station 6 kung saan hinihingan siya ng P5,000 upang mapalaya, ngunit tanging P2,000 lamang ang kanyang naibigay.

Sinabi pa nito na hinakot pa ng mga pulis ang lahat ng nakaimbak na bakal sa kanyang shop sakay ng isang trak at ibinenta sa RJP junkshop sa may Aglipay St. sa Mandaluyong City.

Itinanggi naman ni Salvador ang akusasyon laban sa kanila. Sinabi nito na nagtungo nga sila sa junkshop ni Mahinay dahil sa reklamo ng mga residente na pawang mga nakaw na bakal ang binibili nito. Dito naman umano niya nadiskubre na walang business permit si Mahinay kaya nila inaresto.

Pinosasan din nila ito dahil sa pumapalag ito sa kanilang pag-aresto. Si Mahinay din umano ang nanuhol sa kanila ng P10,000 na kanilang tinanggihan.

Sinampahan na rin umano nila ng kasong anti-fencing law at paglabag sa city ordinance si Mahinay. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments