Baby sinakal, pinasakan pa ng bulak sa ilong

Isang manhunt operation ang inilunsad ng pulisya laban sa isang ina na pinaniniwalaang sadyang pinatay ang kasisilang niyang sanggol sa pamamagitan ng pagsakal at pagpasak ng bulak sa ilong nito na natagpuan sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.

Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City police, dakong alas-5 ng hapon nang matagpuan ng ilang kabataan ang patay na sanggol sa may bakanteng lote sa Purok 7, Brgy. Alabang ng nabanggit na lungsod.

Napag-alaman na nanghuhuli ng gagamba ang mga kabataan nang mapansin ang isang makapal na tela sa lugar na kanilang inusyoso.

Doon natuklasan na isang babaeng sanggol na pinaniniwalaang kasisilang-silang pa lamang ang laman ng tela. Nakatali ng tela ang leeg nito at bukod pa sa pinasakan nga ng bulak sa ilong ang sanggol para hindi makahinga.

Malaki ang hinala ng pulisya na sinadya ang pagpaslang sa sanggol ng mismong ina nito na maaaring gustong takbuhan ang kanyang responsibilidad.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung sino ang ina ng sanggol at papanagutin ito sa pagpaslang sa kanyang anak. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments