Nakilala ang mga biktima na sina Gladys Mendoza, 21; Angela Lorraine La Madrid, 21; Amefils Olais, 21; Eric Castro, 20; Mary Joy Mendez, 21; Janice Eluden, 19; Joan Sungcad, 21; Audrey Solang, 22; Maribel Perez, 27; Faith Ugale, 19; at Patrick Quizon, 19.
Nabatid na ang mga biktima ay pawang mga nursing student sa Pines City Colleges sa Baguio City.
Nabatid na ang 11 ay kabilang sa 70 mga mag-aaral na naka-check-in sa Garden Plaza Hotel para mag-OJT sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City.
Dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang magreklamo ang mga estudyante ng matinding pananakit ng sikmura at pagsusuka kung kaya mabilis silang isinugod sa PGH.
Nabatid sa eksaminasyon na tinamaan ang mga estudyante ng gastro-enteritis buhat sa nakain nila sa hapunan. Nasa maayos na kalagayan na ang mga estudyante matapos lapatan ng lunas.
Itinanggi naman ng pamunuan ng Garden Plaza Hotel na sa kanila nagmula ang pagkain.
Nabatid na may mga baong packed food na pinakbet at binagoongang baboy ang mga estudyante buhat pa sa Baguio kung saan kumuha ang mga ito ng catering services. (Ulat ni Danilo Garcia)