NAIA exec kakasuhan ng graft ng security agency

Sasampahan ng kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act sa Office of the Ombudsman ang mataas na opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos nitong hingan ng P1.5 milyon ang isang security agency.

Sa isang press conference, sinabi ni Antonio Magtalas, presidente ng Fidelity Security and Manpower Services, nakilala umano niya si NAIA Asst. Gen. Manager Marcelino Yumol sa pamamagitan ng broker na si Nicasio Ocampo dahil sa nagpapahanap ito ng security agency na itatalaga sa NAIA.

Sinabi pa ni Magtalas na humingi si Yumol ng P1.5 milyon para sa ‘negotiation purposes’ na agad naman niyang ibinigay sa pag-aakalang requirement ito o cash bond para sa bidding process.

Subalit walang ibinigay na official receipt mula sa NAIA si Yumol at sa halip ay acknowledgment receipt na sulat-kamay at pirmado lamang ng opisyal maging ng tatlo pang testigo bilang patunay na tinanggap ang pera sa mismong tanggapan nito noong Sept. 2003.

Tiniyak umano sa kanya ni Yumol na plantsado na ang lahat at makakapasok na sa NAIA ang 200 na security guards nito sa NAIA sa panibagong kasunduan na sisingilin sila ng P1,200 kada buwan bawat sekyu.

Makaraan ang anim na buwan ay nabisto ni Magtalas na walang katotohanan ang pangako ni Yumol kaya’t binawi nito ang halagang P1.5 milyon na kanyang binayad.

Ikinatwiran pa ni Yumol na hindi umano mailabas ang pera dahil sa ginamit ito bilang campaign funds ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong kasagsagan ng kampanya.

Nag-isyu naman ng post-dated check si Yumol subalit P800,000 lamang ang na-clear habang nagbayad ito ng cash na P200,000, samantalang ang dalawang tseke na nagkakahalaga ng P300,000 at P500,000 na inisyu ni Yumol noong June at July ay pawang mga tumalbog.

Dahil sa walang katapusang pangako na maibalik ang nalalabing pera ay nagpasya na lamang si Magtalas na ihanda ang pagsasampa ng kaso laban sa opisyal ng NAIA sa tanggapan ng Ombudsman, Sandiganbayan at QC Metropolitan Trial Court. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments