Estudyante patay sa holdap

Isang lalaking estudyante ng City College of Manila (CCM) ang naging panibagong biktima ng mga pusakal na holdaper matapos na masawi ito nang pagsasaksakin dahil sa pagtanggi na ibigay ang kanyang gamit, kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila,

Hindi na umabot nang buhay sa Metropolitan Manila Hospital ang biktimang nakilalang si Joshua Ranola, 17, ng Blk 14 Lot 35 Lotus St. Phase 2, Villa Luisa Homes, Dasmariñas, Cavite.

Nabatid buhat sa mga saksi na dalawang lalaki ang nambiktima kay Ranola at mabilis na nagsitakas matapos ang krimen.

Sa ulat ng WPD-Homicide Division, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa kanto ng Soler at Reina Regente St. sa Binondo.

Nabatid na kabababa lang ng biktima buhat sa isang pampasaherong jeep sa tapat ng isang gasolinahan nang agad na lapitan ng dalawang suspect at tutukan ito ng patalim. Tumanggi umano ang biktima na ibigay ang kanyang pitaka at cellphone at nagtangka pang tumakbo ngunit agad itong inundayan ng saksak ng mga holdaper. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments