Milyon-milyong salapi nahukay sa gumuhong gusali

Nahukay na rin sa wakas sa patuloy na clearing operations ang milyun-milyong halaga ng salapi na nabaon sa gumuhong gusali, kamakalawa ng hapon sa Divisoria, Tondo, Maynila.

Dakong alas-5 kamakalawa ng hapon nang tuluyang maiahon ang vault ng Insular Bank na nasa unang palapag ng gumuhong SAI building na nasa panulukan ng Juan Luna at Padre Rada Sts., Divisoria, Maynila.

Nabuhayan naman ng loob ang mga depositor sa naturang bangko kung saan ilan sa mga ito ang nagbantay rin sa lugar habang inaahon ang naturang vault.

Nakuha na rin naman ang ATM machine ng bangko na may laman ding pera.

Inabisuhan naman ng mga opisyales ng bangko ang mga depositor na ipagpatuloy pansamantala ang kanilang transaksyon sa kalapit na Insular Bank branch sa Binondo, Maynila. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments