Sa labing-isang pahinang complaint affidavit na isinampa ni Kris, na ang tunay na pangalan ay Kristina Bernadette Aquino ng Unit 5 Manila Bay, Roxas Triangle, Paseo de Roxas, Makati City, halagang P80 million libel suit ang iniharap nito laban sa pamunuan ng Channel 7.
Kabilang sa isinama sa kaso ay sina Felipe Gozon, Chairman, President at Chief Executive ng GMA 7 Network; Gilberto Duavit Jr., executive vice president and chief operating officer; Alfonso Racquel Jr., OIC Corporate; Wilma Galvante, Vice president for T.V. Entertainment at Ma. Theresa Defensor, program publicity manager na pawang may address sa GMA Network Center na nasa EDSA sa panulukan ng Timog Avenue, Diliman, Quezon City.
Nakasaad sa sinumpaang reklamo ni Aquino na noong Hulyo 9 ng taong kasalukuyan, nabasa sa isang kolum sa isang pang-umagang tabloid na ayaw nilang pagamit hinggil sa ipinakalat na e-mail ng isang kawani ng Channel 7 sa mga pahayagan upang i-publish ang malisyosong komento laban kay Kris.
Nakasaad dito, na hindi aniya bagay magpa-tweetum o umaktong kolehiyala sa kanyang pang-umagang show si Kris samantalang ipinangalandakan nito sa buong bansa na nahawa siya ng STD sa kanyang dating lover. Binanggit pa umano rito ang katagang puro lamang umano siya "kakirihan".
Dahil dito, umalma ang aktres at ayon sa kanya ay malinaw na isa itong paninira sa kanyang reputasyon at hindi aniya siya papayag na gawin ito sa kanya basta-basta ng kanyang mga detractors.
May malisya umano dito, dahil sa mataas na ratings ng kanyang show na "Good Morning Kris" kumpara sa kasabayan niya sa kabilang network na "Sis".(Ulat ni Lordeth Bonilla)