Sasakyan ng pinaslang na executive ng bangko,narekober

Narekober na ng pulisya kamakalawa ang sasakyan ng isang lady executive sa isang bangko na hinihinalang dinukot at pinaslang ng kanyang driver, sa Muntinlupa City.

Sa sketchy report ni PO3 Leonardo Erpe, ng Muntinlupa Traffic Enforcement unit, ang narekober na sasakyan na isang Mitshubishi Space Wagon na may plakang WGP-378 ay pag-aari umano ng isang Lorna Ranola, Vice-president ng I-Bank na may tanggapan sa Makati City. Natagpuan umano ang bangkay nito sa Cavite kamakailan.

Samantala, kinilala naman ang suspect na si Steven Benitez na umano ay nasa kostudya na ng Presidential Anti-Crime Emergency Response (PACER).

Nabatid na dakong ala-1:30 ng hapon natagpuan ang sasakyan ng biktima sa may PNR Site Brgy. Sucat, Muntinlupa City.

Nang kanilang beripikahin ang naturang sasakyan ay pag-aari nga ng biktimang si Ranola. Posibleng sa pinakatagpuang lugar inabandona ang nabanggit na sasakyan ng biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments