Mag-inang pekeng doktor,arestado

Bumagsak sa mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mag-inang impostor na doktor na nakakulimbat na ng malaking halaga sa kanilang mga naging biktima na nagnanais na magkaanak, sa isinagawang entrapment operations sa Muntinlupa City kahapon.

Kinilala ni PNP-CIDG director Chief Supt. Arturo Lomibao ang mga nahuling suspect na sina Carmen Bernardo, 46, at anak nitong si Daisy Bernardo Rivera, 21, kapwa residente ng Brgy. Estrella, San Pedro, Laguna.

Sinabi ni Lomibao na ang mag-ina ay nasakote bandang alas-10 ng umaga sa isinagawang entrapment operations sa Midlan Subd., Brgy. Tunasan ng nasabing lungsod.

Ang pagkakadakip sa mag-ina ay bunga ng reklamo ng isa sa mga nabiktima nitong si Edna Sutter matapos siyang magoyo ng mga suspect na nakakuha sa kanya ng P500,000 kapalit ng kanilang serbisyo.

Lumitaw sa imbestigasyon na nangako sa biktima ang mag-inang nagpakilalang mga doktor na magbubuntis siya sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na gagamitin ng mga ito kaya’t sumailalim siya ng serye ng medical at pregnancy test.

Subalit ilang buwan na ang nakakalipas ay hindi natupad ang pangako sa kanya ng dalawang mag-inang impostor.

Ang mag-ina ay dinakip sa aktong tumatanggap ng malaking halaga ng pera na ginamit na marked money sa nasabing operasyon.

Nabatid pa na hindi lamang ang biktima ang nagoyo ng mag-inang suspect kung saan karamihan sa nabibiktima ng mga ito ay yaong mga babaeng hindi magkaanak.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mag-inang napag-alamang mga pekeng doktor. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments