Walang takot na itinuro kahapon ni Teresita Ang Sy, chairman ng Volunteers Againts Crime and Corruption (VACC) na isang mataas na opisyal sa WPD at kanyang mga tauhan ang may kagagawan sa pagdukot sa mag-asawang Tsinoy nitong nakaraang Lunes sa tapat ng kanilang tindahan sa Recto, Maynila.
Nabatid na napakawalan na ang naturang mag-asawa matapos na makapagbayad ang pamilya nito ng P600,000 ransom money.
Bukod dito, sinabi ni Sy na may ilan pang pamilyang Tsinoy na lumapit sa kanya at iniulat ang naganap na pangingidnap din sa kanila. Hindi na umano nag-ulat sa pulisya ang pamilya ng mga biktima dahil sa kawalan ng tiwala matapos na magpakilala ang mga suspect na mga pulis.
Dahil nga sa kawalang-tiwala sa WPD, nakatakdang lumapit si Sy kay NCRPO chief Director Ricardo de Leon upang aksiyunan ang kanilang mga reklamo laban sa mga pulis-Maynila.
Sinabi naman ni de Leon na kung totoong kilala na ng VACC ang mga suspect na pulis, nararapat na agad na magbigay ang mga ito ng impormasyon upang maisailalim sa kaukulang due process ang mga ito.
Sinabi naman ni WPD Spokesman Chief Insp. Gerry Agunod na bukas ang pulisya na kilalanin ng mga biktima ang mga pinaghihinalaang pulis sa pamamagitan ng police line-up. (Ulat ni Danilo Garcia)