Ito ang pangatlong pagkakataon na nilooban ang naturang bangko at isinasagawa tuwing matatapos ang presidential election.
Ayon kay Senior Supt. Erasto Sanchez, hepe ng Muntinlupa Police, kanilang napag-alaman na tatlong beses nang nahoholdap ang naturang sangay ng bangko na nasa Alabang-Zapote Road sa Brgy. Alabang sa nabanggit na lungsod.
Sa tatlong holdap, iisa ang pattern ng mga suspect. Una itong nilooban noong 1992 kung saan katatapos pa lamang ng presidential election. Ikalawa ay noong 1998 katatapos din ng halalang pampanguluhan at ang ikatlo nga ay kamakalawa.
Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung sinong grupo ang sumasalakay dito, pero bubusisiin din ng mga awtoridad ang anggulo ng inside job. (Ulat ni Lordeth Bonilla)