Kamakalawa ng gabi sa harap ng kanyang mga supporters ay idineklara ni 3rd District Congressman Angping ang kanyang pagbibitiw bilang kandidato ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) at ipapalit ang kanyang misis na si Maria Zenaida Angping.
Ayon kay Angping, nagdesisyon siyang magbitiw dahilan sa pangha-harass sa kanya ng kampo ni Manila Mayor Lito Atienza dahilan sa mahigpit nitong makakalaban ang manugang ng alkalde na si Miles Roces.
Ayon naman sa source, nagdesisyon na ring magbitiw sa kanyang kandidatura si Angping dahil sa may nakapagsabi dito na talo na siya sa inihaing disqualification case na inihain ng mga supporters ng kalaban nito sa pulitika sa tanggapan ng Comelec.
Anumang oras mula ngayon ay maaari umanong magpalabas ng desisyon ang Comelec kung saan nagde-diskuwalipika kay Angping dahilan sa kuwestiyunableng citizenship nito.
Ito umano ang maaaring dahilan kayat inunahan na ng Kongresista ang pag-atras sa pagtakbo sa darating na halalan sa Lunes. (Ulat ni Gemma Amargo)