Sinabi ni NCRPO chief, Director Ricardo De Leon na base sa kanilang intelligence report, may mga terorista pang nalalabi sa Metro Manila na kanila ngayong tinutugis.
Itoy sa kabila ng pagkakadakip ng may anim nilang kasamahan sa mga raid sa Cubao, Quezon City at Makati kamakalawa kung saan nakumpiska sa mga ito ang mga sangkap sa paggawa ng bomba.
Sinabi ni De Leon na una nilang namonitor ang tatlong splinter groups ng ASG na naghiwa-hiwalay sa Metro Manila. Target ng mga ito na magsagawa ng mga pambobomba upang lituhin ang pulisya at maitakas ang kanilang mga kasamahan na nakaditine sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig kasama si Ghalib Andang alyas Kumander Robot at Hector Janjalani.
Base sa kanilang ulat, isa pang grupo ang hindi natutukoy ng pulisya na palipat-lipat ng kuta sa Metro Manila at maaaring manamantala sa dami ng dadagsang tao paluwas ng mga probinsya sa darating na Semana Santa.
Aniya kailangang maging mapagmasid sa mga pier at terminal ng bus ang publiko at iulat agad sa mga nakatalagang pulis habang pinayuhan naman ang mga hindi magbabakasyon na umiwas muna sa maraming tao partikular na sa mga mall. (Ulat ni Danilo Garcia)