Kaagad na sumugod sina NCRPO director General Ricardo de Leon at SPD director Chief Supt. Prospero Noble sa area ng Makati City.
Sinuyod ang mga pangunahing gusali at makalipas ang ilang oras na paggalugad ay sinabi ng mga itong false alarm lamang ang ulat.
Gayunman, ayon sa ilang source sa pulisya, na hindi false alarm ang ulat. Binanggit pa ng ilan mismong pulis na may nakuhang bomba sa Day-Up Mansion hotel, nasa EDSA sa may Magallanes sa Brgy. Bangkal sa Makati City.
Nabatid pa na nakatakda na sanang i-press con ang pagkakuha sa bomba, subalit bago ito sinasabing tumawag ang Malacañang na i-downplay ang insidente.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sa pagitan ng alas-8 at alas-10 ng umaga nang matanggap ang ulat na may mga bombang inilagay sa ilang sasakyan sa kahabaan ng Makati Avenue. Ilang sandali pa ay iniulat na nga na false alarm ang mga report.
Gayunman, ipinag-utos ni de Leon ang ibayong paghihigpit sa mga checkpoints at pagdaragdag ng puwersa ng pulisya sa mga shopping malls, hotels, sinehan at mga establisimento sa matataong lugar. (Ulat ni Lordeth Bonilla)