2 bangkay natagpuan sa Tondo

Dalawang bangkay ang natagpuan kabilang ang katawan ng isang lola at isang naagnas na katawan ng lalaki sa magkahiwalay na lugar kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Patuloy na kinikilala ngayon ng mga awtoridad ang bangkay ng matandang babae na nasa pagitan ng edad na 50-60, 5-talampakan, nakasuot ng puti’t asul na t-shirt at berdeng short pants.

Hindi pa rin naman makilala ang katawan ng isang lalaki na inilarawang tinatayang nasa edad na 25-30, maitim, 5’2", bilugang mukha, payat at nakasuot ng puting t-shirt at maong shorts pants.

Sa ulat ng WPD-Homicide Division, nadiskubre ang bangkay ng hindi nakilalang lola dakong alas-6 kahapon ng umaga ng tricycle driver na si Reynaldo Atienza.

Habang pumapasada, nakita umano niyang lumulutang sa estero sa may Jose Abad Santos, Tondo ang naturang bangkay.

Pinalalagay ng pulisya na posibleng nadulas at nahulog ang matanda sa estero at saka nalunod samantalang nadiskubre naman ang bangkay ng lalaki ng mga batang naglalaro sa squatters area. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments