Sa panayam ng PSN sa isa sa mga miyembro ng pamilya ng biktima, sinabi nito na ang sinumang nais na magbigay ng impormasyon ay agad na makipag-ugnayan sa Caloocan City Police.
Nangako naman ang pamilya Tan at ang pulisya na bibigyan nila ng kaukulang proteksyon ang mga impormante.
Samantala, nakipagkita na kahapon sa Caloocan City Police ang kasosyo sa negosyo ni Tan na isa ring Filipino-Chinese trader na si Mary Ann Medina-Uy na umanoy huling nakausap ng biktima bago ito naglaho noong Enero 9, 2004.
Ayon naman sa pamunuan ng Caloocan City Police, bagamat nagtungo na aniya sa kanilang tanggapan si Uy ay hindi naman ito maaaring arestuhin dahil wala pang sapat na ebidensiya na magdidiin dito.
"Hindi natin siya (Uy) puwedeng arestuhin nang ganun-ganon na lang pero kung may makapagtuturo sa kanya na may kinalaman sa pagpatay sa biktima ay agad namin siyang huhulihin," ayon pa kay P/Supt. Dionisio Borromeo, hepe ng Caloocan City Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB).
Idinagdag pa nito, bagamat sinabi ni Uy na nakausap nga niya si Evan bago ito nawala ay hindi naman umano iyon sapat na dahilan upang paghinalaan ito na may kinalaman sa pagpatay sa biktima.
Nakiusap naman si Gng. Conchita Tan, ina ng biktima sa mga taong may kinalaman sa pagkamatay ng anak na agad na makipag-ugnayan sa pulisya upang mabigyang-hustisya ang pamamaslang sa biktima.
Matatandaang si Tan ay umalis ng kanilang bahay sa #31 A. Cruz St., Caloocan noong Enero 9, 2004 at makalipas ang isang linggo ay natagpuan na itong patay. (Ulat ni Rose Tamayo)