Awayan sa negosyo,motibo sa Tsinoy trader slay

Pinaniniwalaang pawang mga "hired killers" ang may kagagawan sa pamamaslang kamakalawa sa 22-anyos na plastic magnate at Filipino-Chinese businessman na si Evan Tan na dinukot kamakailan ng armadong kalalakihan sa Caloocan City.

Sa panayam ng PSN kay P/Supt. Dionisio Borromeo, hepe ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB) ng Caloocan City Police, sinabi nito na posibleng awayan sa negosyo ang motibo sa pagdukot at pamamaslang sa biktima.

Sinabi pa ni Borromeo na walang anumang kaukulang ransom o anumang kahilingan na ipinarating ang mga suspect sa pamilya ng biktima mula ng dukutin ito noong Enero 9, 2004.

Kaugnay nito, pinaghahanap na sa kasalukuyan ng Caloocan City Police ang kasosyo ng biktima sa negosyo na si Mary Ann Medina-Uy, isang Filipino-Chinese na umano’y huling nakausap ng biktima bago ito dukutin ng mga armadong kalalakihan.

Sinabi pa ni Borromeo na tanging si Uy lamang ang makakapagbigay linaw sa nasabing kaso.

Ayon pa kay Borromeo, nagpadala na umano ang kanyang tangapan ng imbitasyon kay Uy subalit hindi pa rin ito lumulutang kung kaya’t agad na isinagawa ang isang manhunt operation laban sa huli.

Magugunita na si Tan na residente ng #31 A. Cruz St., Caloocan City ay huling iniulat na nawawala noong Enero 9 kung saan ayon sa mga saksi ay pwersahang tinangay ang biktima ng mga armadong kalalakihan habang papasakay ito ng kanyang sasakyang dark blue Toyota Corolla na may plakang WJV-774 sa Caloocan City.

Samantala, ayon naman kay National Anti-kidnapping Task Force Chief Angelo Reyes na hindi estilo ng mga kidnappers na patayin ang kanilang biktima dahil tanging pera lamang umano ang habol ng mga ito sa kanilang mga binibiktima.

Ayon pa kay Reyes na sa kaso ni Tan na hindi gaanong nagtagal sa kamay ng mga kidnappers na agad na hinatulan ng kamatayan ay malabo ang posibilidad na mga miyembro ng kidnap-for-ransom group ang dumukot sa kanya.

Malaki ang paniniwala ni Reyes na maaaring awayan sa negosyo o personal na alitan ang motibo sa pagdukot at pamamaslang kay Tan.

Ang bangkay ni Tan at sasakyan nito ay natagpuan dakong alas-7:30 ng umaga sa Brgy. Bitongol, Norzagaray, Bulacan kung saan nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Sa kasalukuyan ay target na rin ng operasyon ng Caloocan City Police ang iba pang suspect sa pagdukot at pamamaslang kay Tan.

Inatasan naman ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang NAKTAF at ilan pang ahensya ng gobyerno na busisiing mabuti ang nasabing insidente. (Ulat nina Rose Tamayo,Joy Cantos at Lilia Tolentino)

Show comments