Kinilala ni NAKTAF Chairman Angelo Reyes ang suspect na si Jose Lim Amuco, No. 7 most wanted kidnapper sa bansa na may patong na P750,000.00. Iniharap ang nadakip sa mediamen kahapon sa Camp Crame.
Si Amuco, 41, ay gumagamit ng mga alyas na Jack, Juvy at Ugay-Ugay ay aktibong miyembro ng Pegarido kidnap-for-ransom group na sangkot sa pagdukot kina Mark Jan Giga at Maeling Ang.
Sinabi ni Reyes na si Amuco ay nadakip dakong alas-8:30 ng gabi kamakalawa sa Barangay Seol Norte, Leon Iloilo.
Ayon sa opisyal natunton ang pinagkukutaan ng suspect sa tulong ng ilang barangay officials ng Barangay Bakhaw, Mandurriao, Iloilo na siyang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad.
Nauna nang ipinalabas ng NAKTAF ang listahan ng top 10 Most Wanted Kidnappers na tinutugis ng batas kung saan ay anim pa ang tinutugis makaraang malansag na ang apat sa mga ito.
Samantalang nito lamang Lunes ay 14 na kidnappers kabilang ang isang pulis ang idinagdag ng NAKTAF sa mga talaan ng pinaghahanap na notoryus na kriminal.
Magugunita na napaslang ng mga awtoridad ang No.1 most wanted kidnapper na si Dr. Obeles Yap sa isang engkuwentro sa Dinalupihan, Bataan noong Nobyembre 20, habang sina Allan Niegas at Vilmor Catamco na kapwa may patong na P1 milyon sa ulo ay nadakip naman sa serye ng operasyon sa Masbate at Leyte noong nakalipas na buwan. (Ulat ni Joy Cantos)