Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital ang biktima na nakilalang si Reynaldo Sanchez, 25, ng Davao St., Tondo, Manila sanhi ng tinamong ilang saksak sa katawan.
Kaagad namang tumakas ang hindi pa nakikilalang mga suspect matapos ang isinagawang pananaksak.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:15 ng gabi sa G.G Cruz St., Baclaran, Parañaque City.
Nabatid na habang naglalakad ang biktima matapos sumama sa isinagawang clearing operation laban sa mga illegal sidewalk vendor nang lapitan ng mga suspect at walang sabi-sabing inundayan ito ng saksak.
Malaki ang hinala ng pulisya na posibleng grupo ng mga vendor na naapektuhan sa sinamahan nitong clearing operation ang mga suspect.
Sa ngayon ay patuloy pa ring sinisiyasat ang naturang kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)