Drug bust:Trader arestado

Isang trader na hinihinalang manufacturer ng droga ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang pagsalakay na isinagawa kahapon sa isang subdivision sa Makati City.

Nasa kustodya na ng mga awtoridad sa Camp Crame ang suspect na nakilalang si Jerome Magno, 35, ng San Carlos St., Magallanes Village, Makati City. Ilan lamang sa mga negosyo nito ay ang pagiging breeder ng mga imported at mamahaling aso.

Sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Manuel Victorio ng Branch 139, ng Makati City Regional Trial Court, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PDEA at Makati police ang bahay ng naturang suspect dakong alas-11 ng tanghali.

Nasamsam sa suspect ang 1/4 kilo ng cocaine powder; mga pinatuyong dahon ng marijuana at drug paraphernalias.

Inihahanda na ng pulisya ang kaso laban sa nabanggit na suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments