Sinabi ni Ebdane na wala siyang inaatasang sinuman na kumatawan sa PNP upang mangolekta ng anumang halaga o pamasko lalot nalalapit na ang buwan ng Disyembre.
Ginawa ni Ebdane ang babala kasunod ng mga natanggap na report na ngayon pa lamang umano ay marami nang kumakalat na mga solicitation letter ng mga pulis na nanghihingi ng maagang pamasko partikular na sa mga kilalang negosyante bilang pagtanaw umano ng utang na loob sa pagbabantay sa kanilang mga establisimento.
Ipinaalala ni Ebdane na ang serbisyo publiko ay walang hinihinging anumang kapalit na halaga.
Kasabay nito, nanawagan naman si Ebdane partikular na sa mga negosyante na balewalain ang mga solicitation letter ng mga pulis na magtutungo sa kanilang mga establisimento.
Binanggit na Ebdane na nais niyang ipagdiwang ng mga pulis sa lahat ng mga himpilan ng pulisya at presinto sa buong bansa ang isang simpleng selebrasyon ngayon kapaskuhan. (Ulat ni Joy Cantos)